Lunes, Setyembre 5, 2011

Bumabaha ng Grasya

BUMABAHA NG GRASYA

Sa kanyang panaginip ay nasariwa niya kung paano siya nalunod  --nalunod sa sobrang dami ng mga pangarap na alam niya sa kanyang sarili na ni minsan ay hindi matutupad.

Simula nang makatungtong siya sa kolehiyo, nilasap niya ang sariwang hangin ng kalayaan. Dahil sa nag aaral siya sa isang unibersidad, batid niyang malawak ang pang unawa ng mga taong papaligid sa kanyang bagong atmostpera. Maiintindihan nila ang kanyang nais sa buhay.

Naalala niya ang mga panahong siya ay nasa dormitoryo ng unibersidad. Umuulan ng biyaya! Umuulan ng mga babae. Mga babaeng matatalino at magaganda. Mga babaeng hindi maaarte, mga babaeng may disiplina at may pangarap sa buhay. Sa madali’t salita, mga babaeng kahali-halina sa paningin at panlasa ni Pura. Umuulan ng grasya! Sa tuwing matutulog si Pura ay hindi na niya kailangan pang humanap ng inspirasyon sa pagguhit dahil abot tanaw na ang mga naggagandahang babae sa dormitoryo. Mga walang keme sa katawan, nakikipagpilahan sa umaga para makapaligo. Mga naglalaba ng damit sa ilalim ng matinding sikat ng araw. Ngunit kanyang napagtanto na kahit ano man ang kanyang gawin, sadyang hindi niya kayang paibigin ang sinumang kanyang matipuhan. Batid niya kasing hindi siya papatulan at baka mandiri pa sa kanya ang babaeng kanyang napupusuan. Hanggang silip at tanaw na lamang siya. Talagang mailap ang tadhana, wala sa dormitoryo ang babaeng tama para sa kanya. Naisip niya na talagang wala siyang pag asa. Naramdaman ulit ni Pura ang napakapait na kabiguan sa pag-ibig.

Sa mga sandaling iyon na punumpuno si Pura ng hinagpis at kalungkutan, naalimpungatan siya sa tunog ng kanyang alarm.

 “Makapunta na nga lang sa tambayan. Nakaka bad vibes na masyado,” ani Pura.
Agad siyang bumangon sa kanyang kama, iniligpit ang kanyang laptop, lumabas ng apartment at dali-daling bumili ng yosi sa kanto. Habang naglalakad papuntang tambayan, narinig niyang may tumatawag sa kanyang cellphone.

“Hello. Uy Carms, nasan ka? Madilim na, mag iingat ka sa daan ha.”

“Nandito lang ako sa may tambayan. Ikaw ba, saan ka pupunta babe?”

“Papunta rin diyan. May dala akong yosi. Magkita nalang tayo dun.”

“Okay babe, ingat ka. I love you!”

“orayt. See you”

Anlamig ng pakikitungo ni Pura kay Carms. Hindi man lamang nag I love you si Pura. Sa isang banda, nahahalata na ni Carms na talagang hindi normal ang ikinikilos ni Pura sa mga sandaling iyon.

“Hanggang kalian ba kita mamahalin? Trages, would you please get out of my mind?”, naiinis na ibinulong ni Pura sa kanyang sarili.

Sinipa niya ang batong nakaharang sa kanyang dinadaanan. Nagimbal ang dalawang pusang naglalandian sa isang sulok. Humaripas sila ng takbo at biglang tumumba ang yerong natamaan ng batong sinipa ni Pura.  Napuna niyang may spraypaint na katabi ang yero. Pinulot niya ito at inalog. Napangiti si Pura nang maramdaman niyang may laman pa ito.

Pumunta siya sa pinakamalapit na dingding, at inispreyan ang sulok. Nilagyan niya ito ng lettering na ‘’SYNTAX ERROR’’.

“Prrrrrttt! Hoy, anong ginagawa mo diyan? Alis! Prrrrrt!’’, sabi ng botsok na pulis.

“Putang*na!”, agad na humaripas ng takbo si Pura at itinapon sa basurahan ang spreypaint na walang laman.

Tumakbo siya sa isang sulok. Palibhasa’y nasa dilim siya kanina, pakiramdam niya’y hindi siya napagmasdang mainam ng gwardiya. Tumakbo siya sa lugar na maraming tao. Naglagay ng bonnet si Pura, binaliktad ang kanyang reversible na jacket at inilagay sa baywang. Nagsuot ng Ray Ban na salamin at bumili sa isang tindahan ng inumin.

Nakaligtas si Pura sa pigoy, tawag ng mga mag aaral sa mga pulis sa campus. Agad siyang tumakbo papunta sa tambayan. Doon niya nakita si Carms, naka upo sa mesa habang kausap ang ilang kabarkada.

“Purs! Ansaveh ng porma mo? Haha! Lagot ka kay Carms, parang may iba kang pinopormahan ha!”, nakangiting patutsada ni Emil, isa sa mga kabarkada nila.

“Please Emil, mainit ang ulo ko. Okay? Shut up muna, pwede?’’, mataray na sinabi ni Pura kay Emil.

“Okey, ano pa nga ba’ng magagawa ko?’’, tugon ni Emil.

Kakaunti lamang sila sa tambayan noong gabing iyon. Naroroon lamang ay sina Pura, Carms, Marty, Emil at Becka.

“O, ispin da bote tayo pips!”, ulot ni Gardo.

“Walang KJ ha! Kukutusan ko ang magiging KJ dito!”, sabi ni Emil.

Pinaikot ni Becka ang bote, at sa bawat ikot ng bote ay tila nanlulumo si Pura. Hindi niya mawari kung ano ba ang kanyang nararamdaman. Hawak ni Carms ang kamay ni Pura. Napuna niya na nanlalamig si Pura at parang wala sa sarili.

“Babe, okay ka lang ba?”, tanong ni Carms sa nobya.

“Perfectly fine”, nakangiting sagot ni Pura sa kanyang sinisinta.

Bigla na lamang namutla si Pura. Hindi niya inakalang mapapatapat sa kanya ang bote. Natakot siya dahil baka  ungkatin na naman ang kanyang nakaraan. Ganoon kasi ang kanyang mga kabarkada. Kahit anong sugat na pagkalalim lalim ay walang ligtas sa kanilang pangangalikot. Pilit na aalisin ang langib ng sugat ng nakaraan at gagawing sariwa muli ang sugat na ito, hanggang sa magdugo.

“Oh Purs, ang tanong…”, pakabang sinabi ni Becka.

Kinakabog si Pura. Lalo na ngayong naalala niya si Nica ay parang litong-lito siya sa kanyang sarili. Kung sino ba talaga ang marapat niyang mahalin. Pilit niyang isinasaisip na talagang nagkataon lamang na nakita niya ang litrato nila ni Nica sa kanyang laptop. Nanginginig si Pura. Hindi niya malaman ang kanyang isasagot kung sakaling itanong sa kanya ang tungkol kay Nica. Paano na lamang kung itanong nila kung mahal pa niya si Nica? Hindi maaari, nariyan si Carms, masyadong masasaktan. Sensitib si Carms, ultimo mga nag cocomment sa wall at posts nitong si Pura ay bantay sarado. Hindi naman sa nasasakal siya, ngunit talagang ayaw na ayaw lamang ni Carms na maagaw sa kanya ng ibang babae si Pura. Marami kasing nagkakagusto kay Pura na mga babae, lalo na yaong mga nanggaling sa eksklusib na paaralaan noon hayskul.

“Tangina, ayusin niyo ang tanong niyo, bibigwasan ko kayo ng isa!”, kinakabahang sinabi ni Pura sa mga kasama.

“Relaks ka lang Purs, wag ganyan. Nagmumukha kang baliw e”, ani Marty.

Bumulong si Becka kay Marty. Lalo itong nagpakaba kay Pura sa maaaring maitanong sa kanya. Agad na Dumukot ng yosi sa bulsa si Pura at inalok ang kasintahan.

“Gusto mo babe?”, sabi ni Pura nang may gumagaralgal na boses.

“Babe, kanina pa ko nagyoyosi. Ikaw na lang muna, okay?”, tugon ni Carms.

Mukhang maraming ibinubulong itong si Becka kay Marty. At mukhang si Marty ay natatawa sa mag sinasabi ni Becka. Inip na inip na si Pura sa kahihintay para sa tanong.

“Hoy, ano na? Mukha na kong timang dito. Punyeta naman o, ano ba yang tanong na yan?”, sinabi ni Pura na tila may halo nang galit.

“Here’s the question: kung ikaw ay bibigyan ng pondo para magpatayo ng isang establisimento pagka gradweyt mo sa kolehiyo, ano ito? Saan mo itatayo? Ano ang magiging pangalan ng iyong ipapatayo? Sino ang market nito at bakit?”, seryosong itinanong ni Becka.

“Putang*na. Akala ko kung ano na yang itatanong niyo e. Nakaka bad vibes kayo! Teka, bakit naman napaka seryoso ng dating ng tanong na ‘yan? Miss Universe ba ‘to? Hahaha!”, natatawang sinabi ni Pura.
“ikaw ang madaya. Ang layo layo naman ng sagot mo sa tanong ko e! sagot muna kasi!”, naiinis na sinabi ni Becka.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento