Biyernes, Disyembre 2, 2011

Ruler na Lamang ang Tuwid sa Mundo


“Ate, Kuya, sign na po tayo sa manifesto”

“Kuya, punta po tayo bukas sa pride march. 4pm, sa hum steps! Kitakits!”

Kumuha siya ng mga polyetos sa isang sulok at muling bumalik sa harapan ng gusali upang ikampanya ang magaganap na Pride March kinabukasan.

“ ‘dre, kilala mo siya?”, tanong ni Pura kay Marty habang naglalakad papunta sa susunod nilang klase.

“di ‘toy. Pero ang kyut. Haha. Tsinita epek.”, sagot naman ng isa.

“tanginang ‘to, yun kagad ang nasa isip. Gago ka ah. Ulol!”, natatawang usa ni Pura.

Magkasamang naglakad sina Marty at Pura papunta sa susunod nilang klase sa kalapit na gusali. Dala-dala ang ilang mga polyetos, ipinamimigay nila ito sa bawat makasalubong nila.

“ma’am, mag aannounce lang po”, sabi ng isang babaeng biglang kumatok sa pinto ng lecture room.

“sige, pero make it quick”, imik ng propesor.

Naka simpleng t-shirt, shorts, tsinelas, nakalugay ang makapal, makintab na buhok, na animo’y hindi makakapitan ng langaw  si Niobe, isang graduating na mag-aaral sa unibersidad. Chairperson ng student council, laude standing, maganda, tsinita, kyut, maalindog at kabigha-bighani. Hindi man lamang naming maunawaan kung paano siya nakapagpapapirma ng limang pahina ng manifesto sa loob ng isang oras.  Tunay nga talagang kaya niyang akitin ang taong bayan gamit ang kanyang malamyos na tinig at ang kanyang ngiti na tila makapapawi sa iyong kalungkutan. Bilang isang natatatanging aktibista sa unibersidad, tiyak na magkakasundo sila ni Pura.

“Marts, siya na naman oh. Anubayan? Sinusundan yata ako nito e”

“tol, wag kang ganyan, baka magselos si Carms”

“ayos lang, I mean, nagdadalawang isip na nga din ako kung hihiwalayan ko na yun o ano e.”

“P*tangina lang. kelan vacant mo?”

“alas dos tapos ng klase ko. Ikaw ba?”

“alas dos din. Kasa na ko. Mag-uusap tayo. Maghanda ka ng marami raming yosi pre. Okay?”

“kasado pre.”


“yun lamang po at maraming salamat”

Natapos na ang pag iimbita ni Niobe para sa magaganap na Pride March kinabukasan. Tumayo na ang propesor at dagliang inayos ang kanyang mikropono, pati na rin ang kanyang walang kamatayang laser na kapag napaturo sa iyo ay tiyak lusaw ka sa kahihiyan. Lalo na kung hindi mo alam ang sagot., bembang ka na. Umasa ka na ng singko at titig ng natitirang 119 mong kamag aral sa isang large class.
Habang naglelektyur ang propesor, wala na naman sa sarili si Pura. Imahinasyon na lamang ang namamalagi sa kanyang isipan sa mga oras na iyon.
Tanginang yan. Dapat ko na bang iwanan ang masaklap na nakaraan at humanap na lamang o di kaya’y umasa na may mas matinong karelasyon ang dadating sa’kin? Kung ganoon man ang kaso, ay tangina naman. Iwanan ko na lang si Carms at ang alaala ni Nica.
Hawak ang kapirasong papel at bolpen, binusog na lamang ni Pura ang kanyang sarili sa pagguhit ng mga mumunting tao na may hawak na maso at karet, mga manggagawa at mga pusong wasak na tigmak sa dugong bunga ng imoral na pagpaslang. Mala pulitikal ang tema ng kanyang mga likha ngunit mayroong isang bagay na tila hindi kabilang sa tema—puso.

“Marts, takluban mo ko. Sisimple ako ng power nap dito sa pesteng klaseng to. Wala namang naituturong maganda. Letse”

“K. fine, whatevs”

“Alam mo Marts, nagdududa na talaga ako sa orientasyon mo e. Daig mo pa kung makalandi sa pagsasalita ang mga nag out na. Wala namang problema sakin kung badaf ka. Labs pa rin kita sa puso’t isipan. Charot”, usal ni Pura nang may pag ngiwi at tila natatawa.

“Matulog ka na lang."

Pula. Madugo. Dalawang pintong gulagulanit at pinamamahayan na ng anay. Ang isa ay may nakapaskil na pangalan ni Carms at ang isa naman ay pangalan ni Nica. Mainit sa kanyang kinatatayuan. Walang bentilasyon at tila walang ibang tao. Matagal nang hindi pinamamahayan at tanging ang mga itlog ng ipis at ang mga buntot ng butiki ang siyang tanging palamuti kasama na rin ang mga sapot na animo’y ilang dekada ng nakasingit sa kasuluksulukan ng mga dingding. Naramdaman ni Pura na may pumapatak galling sa kanyang mga kamay. Pula. Dugo. Sa kabilang kamay naman ay may hawak siyang pluma, kulay pula pa rin at waring walang tinta ngunit gumagana. Walang kaabog abog ay bigla na lamang yumanig ang sahig. Bumubukas at may isa pang pinto na nagpupumilit na lumabas. Dito ay may nakasulat na Dito ka na lang. iwanan mo na sila. Mas sasaya ka. Pula. Pula. Pula. Nanginig si Pura. Bigla na lamang nabura ang mga nakasulat sa pinto at iba naman ang kanyang nakita. Buksan mo ako. Sige na. At dahil natataranta na si Pura,daglian niyang binuksan ang pinto. Nakita niya ang liwanag, kasama ng anino ng isang babae, magkahawak ang kanilang kamay. May dalang gitara si Pura at tila hinaharana ang babae. Nakaupo sila sa tuktok ng isang burol na tumatanaw sa mga bundok. Sa ilalim nila ay walang humpay na nagsisipagwagayway ang mga pulang bandila na tila sumisibolo sa tagumpay. Kasama na nito ang tinig ng mga tao na nagsisipagsigawan na animo'y nakamtan nila ang kanilang matagal nang inaasam. Nakaramdam si Pura ng isang patak sa kanyang binti at tila malagkit.

"ra....ura....PUTANG*NA, gising na Pura! tulo pa laway e! buhusan mo nga yan ng alcohol! nakakahiya sa susunod na gagamit."

"shit ka. kailangan talaga may kasamang mura? tang*na, may ginawa?"

"wala naman, nag lecture lang habang pinagtatawanan ka. TL na TL e. ikaw ba e nakakatulog sa gabi?"

"ay malamang, alangang hindi. ano ako, si edward? boba"


Nagkatinginan na lamang ang dalawang magkaibigan at umalis na sa kanilang kinauupuan. Lumabas na sa pinto at tila tuliro na naman si kumareng Pura. Dumukot siya ng isang kaha ng yosi mula sa bulsa, at kumapakapa ng lighter mula sa kabila.
“oh, light.”
“Geym. Ano nga ba ang pag uusapan natin? Wala ka ng klase, diba?”
“Oyeah. Wala na. Ganito kasi yun. Uh, tungkol kay Carms…”
Biglang napatigil si Pura sa pagsasalita, waring hindi na malaman kung ano ang mga tamang salita upang masabi kay Marty ang nais niyang sabihin.
“…di ko na mahal si Carms. Para bang, hindi talaga kami compatible. Parang pakiramdam ko e sobrang immature niya para sakin. Alam ko naman sa sarili ko na hindi ako ganoon ka mature pero parang hinihila lang niya ako pababa. Para bang, sa relasyon namin, hindi ako umuunlad. O kung sa madali’t salita, hindi kami umuunlad. Wala talaga. Tatapusin ko na relasyon namin ni Carms”, sabi ni Pura na tila may kaunting pang ngiwi sa kanyang mga labi.
“O sige Purs, gora lang! You know na susuportahan kita sa alam kong makabubuti sa’yo. Tutal, wala na rin namang ikauunlad e, dalawahan kasi ang pag-ibig. Kung titingnan mo yan na ikaw lang ang magdadala sa inyong dalawa, aba, ay gumising ka na sa katotohanan”, usal ni Marty nang may pagtapik sa likod ni Pura.
Matapos ang kanilang pag-uusap ay agad na umalis si Pura. Nais na niyang makausap agad ang kasintahan upang mawakasan na ang kanilang relasyon. Malay mo, talagang kahit gaano pa sa tingin mo ka ‘perpekto’ ang isang tao para sa’yo, patay ka pa rin kung hindi talaga kayo kompatibol. Ang chaka chaka lang talaga ng dating ‘non.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento