Lunes, Setyembre 5, 2011

Maraming Ibabalik

MARAMING IBABALIK

“Shit, baha!”

“Trages, naiwan ko payong ko sa dorm, keribels ba ‘pag bumalik pa tayo?”

Dalawang babae ang nagsisipagtakbuhan at sumusugod sa ulan, walang dalang payong, at pawang naka tsinelas. Ang isa’y nakapantalon at ang isa’y naka dangkal shorts. Isang maikli ang buhok, at hanggang balikat naman ang sa isa. Nagmamadali sila papuntang klase sa isang hindi naman kalayuang gusali. Ang kamay ng isang babae ay nakapatong sa ulo ng kanyang kasama.  Nang makahanap sila ng masisilungan, agad na dumukot ng panyo sa bulsa ang babaeng maikli nag buhok at agarang pinunasan ang mukha at braso ng kanyang kasama.

“Shit lang, bad hair day! Wa poise! Babe, dehins ko na keri, after this, uuwi na ako sa dorm at maliligo.”, sabi ni Carms  kay Pura.

Hinaplos ni Pura ang buhok ni Carms at sinabing “Hay nako babe, pagkatapos ng class mo sa bot, uwi ka na ng dorm ha, maligo ka na”.

“Okay babe, ingat ka ha, I love you!”, nakangiting sagot ni Carms, sabay halik sa pisngi ni Pura.

Naghiwalay ng daan ang dalawa. Nakasimangot si pura at tila wala pang tulog. Daig pa yata ni Pura ang hindi natulog ng tatlong araw sa sobrang laki at itim ng eyebags,. Hindi niya alintana ang lakas ng ulan at naglakad siya pauwi na parang kasama siya sa prusisyon.

Si Pauline Rizalina dela Paz, mas kilala sa campus bilang si Pura, ay isa lamang sa mga babaeng syntax error sa kanilang campus. Syntax error na ang ibig sabihin ay hindi mawari ang kanyang napiling kasarian. Hindi naman siya maituturing na cross dresser tulad ng ibang tomboy sa campus na halos sadsad ang gupit ng buhok , nakasuot ng maluluwag na t shirt at naka tokong na pang ibaba kasama na rin ng tsinelas na tila barko sa laki.

Ang girlfriend naman niyang si Carms ay isang tipikal na babae –mahilig mag dangkal shorts, mag blouse, at magsuot ng mga napakatataas na heels. Hindi naman siya maituturing na malanding tipo ng babae, hindi siya pala lapit sa lalaki. Tanging si Pura pa lamang ang kanyang nakakarelasyon at lagi niyang sinasabi na si Pura na daw ang huling mamahalin niya. Mag iisang taon na rin naming mag-on sina Pura at Carms. Fourth year pa lamang ay hindi nagpatinag si Pura na ligawan itong si Carms, palibhasa’y alam niyang ayaw ni Carms sa lalaki.

“Tangina lang. Hirap na ko. Parang ayoko na. Naguguluhan na ko,” malungkot na sinabi ni Pura sa kanyang sarili.

Nang makarating si Pura sa tinutuluyan niyang apartment, agad niyang ibinaba ang kanyang bag, umakyat sa dobol deck at humiga. Nakatitig lamang sa kawalan si Pura at parang litung-lito sa kanyang buhay. Kinuha niya ang kanyang laptop, sinaksak ang kurdon at nagsimulang mag type ng kanyang synthesis paper para sa kanyang GE.

“Nakakadugyot mag-isip ng i-sysynthesize, trages. Makapag facebook na nga lang!Hays,” malungkot na sinabi ni Pura sa kanyang sarili.

Inaliw ni Pura ang sarili sa mga litrato na nakapagpapa alala sa kanya sa kanyang nakaraan. Kanyang tiningnan kung gaano sila kasaya ng kanyang mga kabarkada noong hayskul pa sila. Bawat groupings, bawat lakad at lakwastsa yata ay may litrato sila. Bawat kainan sa mall, meron. At hindi lang yan, hindi naman sila syempre magpapatalo at pati sa Enchanted Kingdom ay may habol pang litrato.

“Grabe, ang taba taba ko pa noon! Kung hindi siguro ako nagpa payat nung second year, di ako makakakuha ng girlfriend. Buti na lang talaga. Hahahaha! Grabe, ansaya maging hayskul!” sabi ni Pura.

Habang tumitingin siya sa mga litrato ay tila nawala ang ngiti sa kanyang mga labi at napalitan ng lungkot. Ang kaninang mangiyak-ngiyak na mata sa katatawa ay napalitan ng mangilid-ngilid na luha na hindi maipinta sa kanyang mukha. Nakita niya kasi ang litrato niya ng kanyang ex na si Veronica habang nakasakay sa isang ride sa Enchanted Kingdom. Kapwa magkahawak kamay na tila walang balak bumitaw.

“Nica, hays. Miss na kita. Miss ko na kung pano mo ako kilitiin habang nasa ride na yan,” sabi ni Pura.

Nagkakilala sina Pura at Nica sa kanyang paaralan noong hayskul. Dalawang taon ang kanilang agwat.  Fourth year highschool noon si Pura at second year naman si Nica, kapwa nasa pinakamataas na seksyon sa kanilang paaralan. Laging ipinagmamalaki ni Pura si Nica sa tuwing nananalo siya sa mga kontest sa loob at labas ng paaralan sa larangan ng paggawa ng tula, pagpipinta, pagguhit, at pag tatalumpati. Lubos niya pa irng ipinagmamalaki ang kanyang iniirog bagama’t sila’y mayroong ipinagbabawal na pag-iibigan. Sino ba naman ang hindi siya ipagmamalaki? Muse sa kanilang section, certified artist at isang intelektwal sa kanilang paaralan! Talaga namang sobra ang tuwa ni Pura nang sagutin siya ng matamis na oo ni Nica. Halos ilibre niya ang buong klase sa sobrang tuwa at napasakanya na ang babaeng kanyang matagal ng minimithi.
Naging maganda ang kanilang pagsasama. Walang problemang hindi naayos bago sila matulog sa gabi. Nagkikita sila halos araw araw, maliban sa araw ng Linggo. Pareho sila ng mga interes.Ngunit habang tumatagal ay padalas na ng padalas ang kanilang mga alitan, ang kanilang bangayan. Dumating ang araw na kinatatakutan ni Pura, hiniwalayan siya ni Nica.

Hindi pa rin naman nagpatinag itong si Pura at sinuyong muli si Nica. Nagkabalikan sila ng ilang buwan at dahil pa rin sa kanilang mga alitan, naghiwalay muli sila. Nasundan ng isa pa. Sobrang nadudugyot na ang utak at puso ni Pura sa mga nagaganap. Hindi na siya makapag isip ng tama., Sorbang litung-lito na si Pura sa mga nagaganap. Minsa’y nakikita siya ng kanyang mga kabarkada na umiiyak sa daan. Hinayaan na lamang nila siya at inintindi. Pilit na pinapasaya si Pura ng kanyang mga kabarkada. Hanggang sa magkabalikan muli sila.
 Lumipas ang mga araw, lingo at buwan, tila napakaganda ng kanilang samahan hanggang sa naganap ang pinakamatindi nilang pagsubok. Pagkalipas ng ilang buwan na puro ligaya at kaunting alitan, nabulabog na ang kanilang mga mundo. Nakita ng nanay ni Nica ang kanilang mga usapan sa text at bilang parusa kay Nica ay hindi siya pinalapit kay Pura. Nawala na lamang bigla ang lahat. Tuluyan ng naglaho ang pinakamamahal ni Pura. Ang dating mga sumpaan ay nauwi sa kabiguan. Ang mga matatamis na halik at yapos ay nauwi sa iwasan at wagas na sakitan. Ang lahat ay naglaho.

Habang sinasariwa ni Pura ang mga mapapait na kaganapan sa kanyang buhay pag-ibig, may napuna siyang papel na nakausli sa may patas patas niyang libro. Binuklat niya ito at binasa:
Dear Pura,                                                                                                        July 13, 2011
                        Kamusta na? Miss na miss na kita. Gusto kong maging maikli itong sulat ko para diretso at wala nang paligoy ligoy pa. Mahal na mahal kita Pura, kung alam mo lang kung gaano kita kamahal. Ngunit mayroong mga bagay sa buhay na talagang hindi meant to be. Babae ka, babae ako, hindi tama ‘to. At higit sa lahat, kahit gaano pa kita kamahal, hindi talaga kita kayang ipaglaban. Maraming beses na tayong naghiwalay dahil sa mga away natin. At ayaw na kitang masaktan pa nang dahil sa kaduwagan ko.
            Ngunit sa huling pagkakataon, nais ko sanang maayos ito. Alam kong napaka taliwas ang mga pahayag na sinabi ko sa gusto kong mangyari. Gusto ko sanang bigyan pa muli ang ating relasyon ng isa pang pagkakataon. Kung maaari sana. Mahal na mahal kasi kita.
            Sana’y payagan mo akong makipagbalikan sa ‘yo Pura. I love you so much!
                                                                       
                                                                                                                        Nagmamahal,
                                                                                                                        Nicababes Ü

“Letsugas, kung kelan ayoko ng balikan ‘yung araw na tinanggihan ko ‘yung pakikipagbalikan niya. Santisima! E eh. Nakakaasar! Kauma,” naiinis na sinabi ni Pura sa kanyang sarili.

Kumuha siya ng unan at niyapos ito nang mahigpit. Singhigpit ng pagkakayakap niya noon kay Nica. Yakap na tila walang katapusan sa tamis at dalisay na pagmamahal. Habang yakap yakap ni Pura ang kanyang unan ay tumulo ang luha sa kanyang mga mata. Pumikit siya hanggang sa makalimutan niya ang sakit na naidulot ng mga litratong nagpaalala sa kanyan kung gaano niya kamahal si Nica. Walang salitang makahihigit pa sa naramdaman ni Pura kay Nica. Naramdaman nga ba o nararamdaman?

“Tanginang pictures yan o, shit lang. Napapaiyak tuloy ako, bwisit,” ani Pura.

Sa bawat patak ng luha sa mga mata ni Pura ay napapahimbing siya sa tulog. Hindi niya namalayan na siya pala’y nakakatulog na.







Walang komento:

Mag-post ng isang Komento